Wednesday, July 8, 2015

Mga Patak ng Alaala kapag Umuulan

Tag-ulan na naman. Maraming ibig sabihin ang ulan. Iba-iba ang pagtanggap ng bawat isa sa atin sa pagpatak ng ulan. May natutuwa. May nalulungkot din.

Noong ako ay bata pa sa probinsya ng Camarines Sur, ang ulan ay nagdudulot ng magkahalong kagalakan at pangamba sa akin. Kagalakan dahil magkakaroon na ng patubig ang aming munting palayan kasama na ang sa aming mga kamag-anak lalong lalo na ang sakahan ni LOLO. Si lolo ay tatay ng aking nanay. Pagsasaka ang kanilang ikinabubuhay. Ang pag-ulan ay senyales ng pagtatanim ng binhi ng palay. Nang ako ay bata pa minsan na akong tumira sa bahay ng aking lolo nang minsang pumunta ng maynila ang aking nanay para dalawin ang aking tatay na nagtatrabaho doon. Alas kwatro pa lang ng madaling araw ay gising na ang aking lolo para maghanda para sa pagpunta sa kanyang palayan. Ako naman ay gising na dahil kailangan naming magluto ng maaga para makapasok ng tama sa oras sa eskwela dahil ang panggatong namin ay kahoy. Mga pinagputo-putol na tuyong kahoy. Hindi pa uso ang electric o gas stove ng mga panahong iyon kaya matagal ang pagluluto. Pero mas masarap ang mga pagkaing niluto gamit ang mga tuyong kahoy.

Bago mag alas singko papunta na ang aking lolo sa palayan, may sukbit itong matalas na itak sa kanyang beywang na siya mismo ang naghahasa. Uuwi siya bandang alas dose na upang managhalian, at pagkalipas ng isang oras ay balik na naman siya sa kanyang palayan at hanggang hapon na siya doon. Ganoon ang ikot ng bawat araw nya. Kaya ang pagdating ng ulan sa kanya ay isang malaking biyaya sa oras ng pagtatanim at habang ang palay ay tumutubo pa lamang. Ngunit pagkatapos ng tatlong buwan, ang ulan ay isang sagabal naman dahil aanihin na ang hinog na palay. Sikat ng araw naman ang kailangan upang magapas ng maayos ang palay at nang ito ay maibenta ng may maayos na presyo o magawang magandang bigas.

Para sa akin naman ay sagabal ang ulan sa pagpasok sa paaralan. Maputik ang daan dahil nasa gitna ng taniman ng niyog at palayan ang bahay ng aking lolo kaya ang tawag namin sa lugar ng lolo ko ay “KANYOGAN”. Hindi uso ang payong sa probinsya nang mga panahong iyon. Dahon ng saging o ng kahit anong halaman basta malaki ito at walang butas. Minsan din nagiging sagabal ang ulan habang nasa paaralan mismo dahil butas ang bubong ng pampublikong eskwelahan na aming pinapasukan.

Pero sa tuwing sabado at linggo at pag walang pasok sa paaralan, nagtatampisaw kami sa ulan. Hubo’t hubad na tumatakbo sa mga pilapil ng palayan o kaya sa tabi ng kalsada. Walang pasok lalo na pag may signal ng bagyo. Sa BICOL ay normal na lamang ang bagyo nang mga panahong yon dahil sa dalas ng pagdaan ng bagyo doon. Minsan naman nakatanaw lang sa bintana habang pinapakinggan na parang musika ang lagaslas ng patak ng ulan sa bubong ng aming bahay kubo at aliw na aliw sa panonood ng bawat dampi ng patak sa mga halaman at punong nasa paligid ng aming bahay. Sa gabi ay parang malakas na musika tuwing may pista sa sayawan ang dulot ng mga palaka at ibang pang hayop at insekto na tuwang tuwa sa buhos ng ulan.

Ang ulan ay perwisyo naman sa mga naglalako ng isda, gulay, prutas, ice cream at iba pang produkto. Maliban sa hindi sila masyadong makaikot dahil mababasa sila, wala ring masyadong bumibili pag tag-ulan lalo na kung ice cream ang paninda.

Nang ako ay mapunta sa kalakhang Maynila, iba naman ang ibig sabihin ng ulan. Baha at malaking perwisyo. Siguro malaking ginhawa ang ulan sa maynila kung ang pag-uusapan ay ang paglamig ng kapaligiran dahil talagang sobrang init. Ngunit ang paglamig ng kapaligiran ay pwedeng solusyonan ng paggamit ng electric fan o aircon, ngunit ang pagbaha ay talagang malaking perwisyo dahil sa mga bumibiyahe papunta ng trabaho o eskwela at pauwi ng bahay. Mabuti sana kung ang baha ay malinis na tubig ngunit sa maynila iba ang ibig sabihin ng baha. Ito ay pagbaha ng napakaduming tubig at minsan may kasama pang basura. Baha na pwedeng magdulot ng malulubhang sakit.

Hanggang dito na lamang ang aking munting kwento dahil kasabay nang pagtila ng ulan ay ang pagbalik nang aking ulirat sa kasalukuyan. Kailangan kong sabay na namnamin ang biyaya at harapin ang hamon ng pag-ulan.

Sa iyo kapatid, ano ba ang ibig sabihin ng ulan at pag-ulan?




No comments:

Post a Comment